Tungcab lalahok sa rookie draft
MANILA, Philippines — Matapos maudlot ang paglalaro nito sa Japan B.League, nagdesisyon na lamang si Gilas Cadets member Jaydee Tungcab na lumahok sa PBA Annual Rookie Draft.
Nagdesisyon si Tungcab na lumahok sa draft upang makatulong sa kanyang pamilya sa usaping pinansiyal.
“Gusto kong suportahan ang pamilya ko dahil breadwinner ako sa amin, may mga kapatid pa akong maliliit,” ani Tungcab.
Nakatakda sanang maglaro si Tungcab para sa Koshigaya Alphas sa B.League Division 2.
Ngunit hindi ito natuloy dahil sa problema sa visa.
Makailang ulit itong nagtangkang kumuha ng visa.
Subalit hindi ito nakakuha ng green light dahil sa pagpapatupad ng mahigpit na travel ban sa Japan matapos muling lumobo ang bilang ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19).
Nagdesisyon din ang mismong pamunuan ng B.League na huwag na munang tumanggap ng import sa ngayon para masiguro ang kaligtasan ng lahat.
Desidido ang Koshigaya na makuha ang serbisyo ni Tungcab kung saan binigyan pa ito ng offer para sa susunod na season ng B.League.
Ngunit nagpasya si Tungcab na tanggihan ito para lumahok sa rookie draft.
- Latest