FIBA acq sa clark kanselado
MANILA, Philippines — Kinansela ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang hosting ng Pilipinas ng FIBA Asia Cup Qualifiers na idaraos sana sa susunod na buwan sa Clark, Pampanga.
Nagpasya ang pamunuan ng SBP na kanselahin ang pagtataguyod ng Pilipinas ng group stage para sa Group A at Group C sa third window dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng travel ban.
“We’ve exerted a lot of effort into our hosting of the upcoming FIBA Asia Cup Qualifiers and this is why it is with great sadness that we announce it is no longer going to happen,” ani SBP President Al Panlilio.
Pangunahing dahilan ng paghihigpit ang bagong strain ng coronavirus disease (COVID-19) na mas malakas at mabilis na kumakalat. Bago magdesisyon, nakipag-ugnayan muna ang SBP sa iba’t ibang sangay ng gobyerno.
“We’ve constantly communicated with our partners from the National Task Force Against COVID-19 and they have informed us that there would be no exemptions from the current travel restrictions announced by the Department of Foreign Affairs,” paliwanag ni Panlilio.
Darating sana sa bansa ang Group A teams na South Korea, Indonesia at Thailand at ang mga koponan sa Group C na Australia, New Zealand, Hong Kong at Guam.
Iginiit ni Panlilio na mananatili ang suporta nito sa buong FIBA patunay sa paglahok nito sa second window na ginanap sa Manama, Bahrain noong Nobyembre.
Maliban sa Pilipinas, nagdesisyon din ang Japan basketball association na kanselahin ang hosting nito sa Group B ng third window sa Tokyo dahil sa parehong dahilan.
Agad namang sumaklolo ang Qatar Basketball Federation na nag-offer na idaos ang qualifiers sa Doha, Qatar.
- Latest