Warriors niresbakan ang Lakers
LOS ANGELES — Kinailangan ng Golden State Warriors na makabangon mula sa 14-point deficit sa fourth quarter para balikan ang nagdedepensang Lakers, 115-113.
Nagpasabog si Stephen Curry ng 26 points habang nagtala si Kelly Oubre Jr. ng 23 markers para sa ika-pitong panalo ng Warriors sa 12 laro at may 19 at 18 points sina Eric Paschall at Andrew Wiggins, ayon sa pagkakasunod.
Ang three-point shot ni LeBron James ang nagbigay sa Los Angeles (11-4) ng 97-83 abante sa pagsisimula ng fourth quarter bago naagaw ng Golden State ang bentahe sa inihulog na 15-2 bomba.
Binanderahan ni Dennis Schroeder ang Lakers sa kanyang 25 points.
Sa New York, ipinasok ni Kevin Durant ang isang go-ahead 3-pointer sa huling 36 segundo habang tumapos si James Harden na may 34 points at 12 assists para sa 125-123 paglusot ng Brooklyn Nets (8-6) sa Milwaukee Bucks (9-4).
Kumolekta si Durant ng 30 points, 9 rebounds at 6 assists para sa ikaapat na sunod na pananalasa ng Nets.
Sa Miami, nagposte si Bam Adebayo ng 28 points at 11 rebounds para tulungan ang Heat (4-7) sa 113-107 panalo sa Detroit Pistons (3-9).
Sa Portland, humataw si LaMarcus Aldridge ng 22 points para sa 125-104 pagdomina ng San Antonio Spurs (8-6) sa Trail Blazers (8-6).
- Latest