^

Magkakaalaman na sa PBA Special Awards Night

Russell Cadayona (Pilipino Star Ngayon) - January 17, 2021 - 12:00am

MANILA, Philippines — Malalaman ngayong gabi kung sino ang gagawaran ng Philippine Basketball Association (PBA) ng Best Player of the Conference (BPC) award sa kanilang pagdaraos ng kauna-unahang virtual Special Awards Night na gagawin mula sa TV 5 studio sa Mandaluyong City.

Ang mga kandidato para sa BPC trophy ng 2020 PBA Philippine Cup ay sina Stanley Pringle (Barangay Ginebra), Matthew Wright at Calvin Abueva (Phoenix), Ray Ray Parks Jr. at Roger Pogoy (TNT Tropang Giga) at CJ Perez (Terrafirma).

Si Pringle ang naging susi ng Gin Kings sa 4-1 pagsibak sa Tropang Giga sa kanilang best-of-seven championship series sa PBA ‘bubble’ sa Clark, Pampanga.

Maglalaban naman para sa Outstanding Roo­kie award sina Aaron Black (Meralco), Arvin Tolentino (Ginebra), Barkley Ebona (Alaska), Aris Dionisio (Magnolia) at Roosevelt Adams (Terrafirma).

Isang Ginebra player din ang lumalaban para sa isang individual trophy.

Kaagaw ni Gin Kings center Prince Caperal para sa Most Improved Player honor sina Justin Chua at Jason Perkins (Phoenix), Reynel Hugnatan (Meralco), Raul Soyud (NLEX) at Javee Mocon (Rain or Shine).

Kandidato rin sina Abueva at Perez para sa Samboy Lim Sportsmanship award kaagaw sina Scottie Thompson (Ginebra), Gabe Norwood (Rain or Shine) at Kevin Alas (NLEX).

Papangalanan din ang mga miyembro ng Outstanding/Elite Five sa nasabing awards night na pangungunahin nina PBA Board chairman Ricky Vargas at PBA Commissioner Willie Marcial.

Samantala, nagsumite na si guard Joshua Munzon ng kanyang aplikasyon para sa 36th Season PBA Draft na nakatakda sa Marso 14.

Lumobo sa 42 ang mga aplikante para sa nasabing taunang drafting na inaasahang gagawin via virtual kagaya ng ginawa ng National Basketball Association (NBA).

Beterano na ang 25-anyos na si Munzon sa ASEAN Basketball League (ABL) kung saan siya nag­laro para sa Saigon Heat at Westports Malaysia Dragons.

Lumipat siya sa PBA D-League matapos hiranging No. 1 overall pick ng AMA Online Education at nagtala ng mga averages na 35.0 points, 10.0 rebounds, at 4.2 assists per game noong 2019 Aspirants’ Cup.

Nakasama naman ni Munzon sa Philippine national 3x3 team sina Alvin Pasaol, Santi Santillan, Troy Rike at Franky Johnson sa FIBA 3x3 World Tour.

Sasabak ang national squad sa FIBA 3x3 Olympic Qualifying Tournament sa Mayo sa Graz, Austria.

Inaasahang mapipili si Munzon sa first round ng Season 46th Rookie Draft kagaya nina Pasaol, Santillan, Rike, Andre Caracut, Jun Bonzubre at Tzady Range.

PBA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with