

Rivalry nina Valdez, Reyes mabubuhay sa PVL?
MANILA, Philippines — Ikinakasa na ang paglipat ng Sta. Lucia Lady Realtors sa Premier Volleyball League (PVL).
Isa ang Lady Realtors sa mga regular members ng Philippine Superliga.
Subalit kalat na sa social media ang plano nitong lumipat sa PVL na kamakailan lamang ay nagpasyang maging kauna-unahang professional volleyball league sa bansa.
Kung matutuloy ang paglipat, inaabangan na ang salpukan nina Sta. Lucia middle blocker Mika Reyes at Creamline skipper Alyssa Valdez.
Magugunitang sa UAAP pa lang ay mainit na ang labanan nina Reyes (De La Salle University) at Valdez (Ateneo).
Ilang beses din na nagharap ang Lady Spikers at Lady Eagles sa finals na isa sa pinakamainit na rivalry sa volleyball sa bansa.
Puntirya ng mga organizers na umpisahan ang PVL sa Abril 10 sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna kung saan target nito na hanggang walong koponan lamang ang papasok sa bubble.
May anim na koponan na ang kumpirmadong lalahok - ang reigning Open Conference champion Creamline, 2019 Reinforced Conferenc titlist PetroGazz, Motolite, BanKo Perlas, Choco Mucho, at Bali Pure-Chef’s Classic.
Dalawang koponan pa ang inaasahang madaragdag kabilang na ang posibleng pagpasok ng Sta. Lucia at isang guest team mula sa military.
- Latest