Gilas Pilipinas tagumpay sa misyon!
Dwight Ramos
STRA/ File

Gilas Pilipinas tagumpay sa misyon!

Chris Co (Pilipino Star Ngayon) - December 2, 2020 - 12:00am

MANILA, Philippines — Walang iba kundi ngi­ting tagumpay ang dala ng Gilas Pilipinas sa pagbabalik nito sa bansa matapos ang matikas na kampan­ya  sa FIBA Asia Cup Qualifiers second window na ginanap Khalifa Sports City sa Manama, Bahrain.

Magarbong tinapos ng Gilas Pilipinas ang ratsada nito nang muli nitong pulbusin ang Thailand, 93-69, noong Lunes ng gabi.

Dahil sa panalo, uma­ngat ang Pilipinas sa solong pamumuno sa Group A bitbit ang malinis na 3-0 marka habang nalaglag sa No. 2 ang South Korea (­2-0) kasunod ang Indonesia (1-2) at Thailand na lalo pang nalugmok sa ilalim hawak ang 0-4 baraha.

Nagsanib-puwersa ang Gomez de Liaño brothers na sila Javi at Juan para banderahan ang atake ng Pinoy squad.

Bumanat si Javi ng 19 puntos tampok ang apat na tres habang naglista naman si Juan ng 14 mar­kers kabilang ang apat na three-pointers, kasama pa ang apat na rebounds at apat na assists.

Nagpatuloy naman ang mainit na laro ni Dwight Ramos na naglista ng 13 points, limang rebounds at dalawang assists habang nakakuha ng 12 puntos si Matt Nieto bago magtamo ng ankle sprain sa third quarter.

“The lead we had in the first game was big. We were concerned that we might take this game for granted. We really harped on executing the offense and defense,” ani Gilas head coach Jong Uichico.

Nagrehistro si Chanatip Jakrawan ng 34 puntos at 12 rebounds habang nakakuha ng 13 puntos si Wattana Suttisin para banderahan ang Thailand.

Ngunit bigo ang dalawa na makakuha ng sapat na suporta mula sa kanilang mga katropa.

Una nang inilampaso ng Gilas Pilipinas ang Thailand sa kanilang unang paghaharap noong Biyernes sa iskor na 93-61.

Isang panalo na lamang ang kailangan ng Gilas Pilipinas para masikwat ang isa sa dalawang awtomatikong slots sa FIBA Asia Cup proper na idaraos sa huling bahagi ng 2021.

FIBA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with