
Gilas Pilipinas simbolo ng pagkakaisa at pag-asa
MANILA, Philippines — Tunay na simbolo ng pagkakaisa at pag-asa ang Gilas Pilipinas sa tuwing sumasalang ito sa mga international tournaments.
Muling nagbuklud-buklod ang buong sambayanan upang suportahan ang Gilas sa panibagong labang haharapin ito.
Madalas na dinudumog ang mga venues na pinaglalaruan ng Gilas Pilipinas hindi lamang sa Pilipinas maging sa iba’t ibang panig ng mundo.
Madalas ding nakikita ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) na bagama’t hindi magkakakilala ay nagkakaisang sumisigaw ng “PHI-LI-PPINES” na animo’y iisang pamilya. Kaya naman maituturing na isang malakas na puwersa ang Gilas Pilipinas para magkaisa ang mga Pilipino.
At muli na naman itong nasilayan kagabi sa laban ng Gilas Pilipinas kontra Thailand sa pagtutok ng milyong Pilipino para suportahan ang Pambansang koponan.
Handa ang Gilas Pilipinas na ibuhos ang lahat upang bigyan ng saya ang buong sambayanan na karamihan ay dumaranas ng matinding pagsubok sa kanilang buhay.
“Basketball is a sport that unites everyone. We’re just playing for all these people out there who are losing hope at this time,” wika ni Kobe Paras na kasama sa Final 12 sa FIBA Asia Cup Qualifiers na ginaganap sa Manama, Bahrain.
Nangako ang buong Gilas Pilipinas na iaalay nito sa bayan ang kanilang bawat laban para suklian ang pagmamahal at taos-pusong suporta ng buong sambayanan na naniniwala sa kanilang kakayahan.
Laban Gilas!
Laban Pilipinas!
- Latest