Mitra muling kukumustahin si Abueva
Matapos ang 6-buwan
MANILA, Philippines — Matapos ang anim na buwan ay muling makikipag-usap si Games and Amusements Board (GAB) chairman Abraham ‘Baham’ Mitra kay Phoenix small forward Calvin Abueva.
Ito ay para kumustahin ang 2013 PBA Rookie of the Year matapos payagan ng Philippine Basketball Association (PBA) na muling makapaglaro makaraan ang 16 buwan.
“The GAB reinstated his licence but on a probationary status nga lang,” paglilinaw kahapon ni Mitra sa PSA Forum webcast.
“Kapag nagkalat ulit, eh ‘di wala na. Wala namang final warning na binitawan pero probationary period lang na six months,” dagdag pa ni Mitra.
Isa sa mga requirements na nagawa ni Abueva para makuhang muli ang kanyang professional licence sa GAB ay ang pagsailalim sa drug tests at counselling at pagkumpleto sa isang seminar.
“Actually, naibalik na ‘yung lisensya niya and we just want to see him again one more time six months from now,” sabi pa ni Mitra.
Maituturing ni Mitra na isa nang ‘reformed person’ ang 32-anyos na si Abueva.
Sa katunayan ay pumayag si Abueva na maging isang resource person sa inoorganisang Philippine Professional Virtual Sports Summit ng GAB.
- Latest