Heat tangka ang 2-0
Lebron gumawa na naman ng NBA record
LAKE BUENA VISTA, Florido — Pupuntiryahin ng Miami Heat ang 2-0 bentahe habang hangad ng Boston Celtics na makatabla sa Game Two ng kanilang Eastern Conference finals series.
Sa likod ng kabayanihan nina Jimmy Butler at big man Bam Adebayo ay naitakas ng Heat ang 117-114 overtime win laban sa Celtics sa Game One kamakalawa.
Kinailangan ng Miami na bumangon mula sa 14-point deficit sa fourth period para mabalikan ang Boston.
“Obviously, this is a super-competitive series. We were down (14) and it was for a reason,” ani Fil-American head coach Erik Spoelstra sa kanyang Heat team.
Kumonekta si Butler ng krusyal na three-point play kasunod ang supalpal ni Adebayo sa dunk attempt ni Jayson Tatum.
Ang depensa naman ang tinukoy ni Boston guard Jaylen Brown.
“I think we’ve got a lot of improvements to make on defense,” ani Brown.
Samantala, nagtala na naman ng NBA record si LeBron James ng Los Angeles Lakers.
Binanderahan ni James ang All-NBA First Team para sa 2020 season kasama sina Giannis Antetokounmpo ng Milwaukee Bucks, Luka Doncic ng Dallas Mavericks, James Harden ng Houston Rockets at Anthony Davis ng Lakers.
At isa na naman itong NBA record para kay James.
Ito ang pang-16 All-NBA honor ni James sa kanyang career para iwanan sina Tim Duncan, Kareem Abdul-Jabbar at Kobe Bryant na may tig-15.
Ang ika-13 first-team selection ni James ay isa ring NBA record.
Ito naman ang unang first-team selection ni Doncic para makahanay sina James, Kevin Durant, Tim Duncan, Rick Barry at Max Zaslofsky bilang mga tanging players na nabigyan ng first-team honors sa edad na 21-anyos.
- Latest