Pogoy pasok sa FIBA Most Improved list
MANILA, Philippines — Pasok si Gilas Pilipinas standout Roger Pogoy sa listahan ng Most Improved Players ng International Basketball Federation (FIBA).
Bumilib ang world basketball governing body sa laki ng ipinagbago ng laro ng Talk ’N Text KaTropa player base sa pagkukumpara nito sa nakalipas na mga edisyon ng liga.
“As a solid defensive wing who can score in multiple ways, Pogoy has been valuable to Gilas. Alongside veteran teammates with bigger roles like Jayson Castro, Pogoy has done well in plugging as a role player,” ayon sa FIBA.
Pinagbasehan ng FIBA ang performance ni Pogoy sa FIBA Asia Cup noong 2017 at sa FIBA Asia Cup qualifiers na ginanap naman noong Pebrero.
Mula sa averages na 7.0 points at 3.5 rebounds noong 2017 FIBA Asia Cup, umangat ito sa 16 points at 6 rebounds sa FIBA Asia Cup qualifiers first window.
Nagawa ni Pogoy ang naturang performance nang ilampaso ng Gilas Pilipinas ang Indonesia noong Pebrero 23 sa Britama Arena sa Jakarta, Indonesia.
“Masaya ako na nakikita nila ‘yung improvement ko sa laro. At least may magandang resulta ‘yung pinaghihirapan ko sa training,” ani Pogoy.
- Latest