Online 3-point shootout competition ilulunsad ng PBA
MANILA, Philippines — Dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic ay nauso ang mga online games kagaya ng chess at skateboarding.
Isang application ang ilulunsad ng Philippine Basketball Association (PBA) sa susunod na linggo kung saan maglalaban ang mga PBA players sa isang online three-point shootout competition.
“Baka next week meron na kaming online three-point shootout para sa mga players,” wika ni PBA Commissioner Willie Marcial. “Inaayos na namin ‘yung app. Titingnan lang namin.”
Nauna nang nagwagi sa mga online competitions sina Sander Severino sa chess at 2018 Asian Games gold medalist Margielyn Didal sa skateboarding.
“Ginawa na namin ‘yung app mga two months ago. Naisip na namin iyan. Inaa-yos na namin at mukhang okay na. So ipoporma na lang namin iyan by next week,” ani Marcial.
Samantala, tinitingnan naman ng PBA ang Smart Araneta Coliseum para maging pasilidad sa pagbabalik sa training at conditioning ng mga players.
“May sarili silang protocols, may protocols din ang GAB (Games and Amusements Board), may protocols din tayo. Kung may kulang, dadagdagan,”ani Marcial. “Mas maraming protocols, mas mabuti para sa atin.”
Pinayagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang PBA at Philippine Football League (PFL) na magbalik sa training at conditioning sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ).
- Latest