Hahawak sa preparasyon ng gilas pilipinas sa 2023 FIBA world cup
Baldwin pa rin!
MANILA, Philippines — Ang kontrobersyal pa ring si Tab Baldwin ang mangunguna sa preparasyon ng Gilas Pilipinas para sa 2023 FIBA World Cup.
Ito ang pahayag kahapon ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum webcast ukol sa posisyon ni Baldwin.
“Sa ngayon wala naman (kapalit) not unless magsasalita ulit siya ng wala sa lugar,” wika ni SBP Executive Director Sonny Barrios kay Baldwin, ang project director ng Gilas Pilipinas program.
Nalagay sa kontrobersya ang 62-anyos na head coach ng Ateneo Blue Eagles nang kuwestiyunin ang single-import format ng Philippine Basketball Association (PBA) at ang pagiging ‘tactically immature’ ng mga Filipino coaches.
Dahil dito ay pinatawan ng PBA si Baldwin, ang assistant coach at consultant ng TNT Katropa, ng multang P75,000 at three-game suspension.
Matapos ito ay tinanggal ng Tropang Texters ang American-New Zealander mentor para pagtuunan nito ng pansin ang programa ng Gilas.
“Mr. (Al) Panlilio said the opinions that Tab Baldwin expressed were his personal ones, they were not aligned with the position of the SBP and certainly, not aligned with the personal opinion of president Al Panlilio.”
Plano ni Panlilio, ang pangulo ng SBP, na magdaos ng isang video conference kasama si Baldwin at ang mga top officials at staff para talakayin ang programa ng Gilas Pilipinas.
Hadlang din sa mga proyekto ng SBP ang coronavirus disease (COVID-19) pandemic, ayon kay SBP Director for Operations Butch Antonio.
“Ang hirap pa ring makagalaw, but we just have to make sure that it’s in our awareness na meron pa rin tayong dapat pag-handaan,” ani Antonio.
Ipinagpaliban ang FIBA 3x3 Olympic qualifier, lalahukan ng Gilas, sa Mayo ng 2021.
- Latest