Pinoy Olympic qualifiers lolobo pa—Tolentino
MANILA, Philippines — Isang malaking delegasyon sa Tokyo Olympics ang target ng Philippine Olympic Committee (POC) dahil marami pang malalakas na atletang sasalang sa kani-kanyang Oympic qualifying tournaments.
Optimistiko si POC president Bambol Tolentino na lolobo pa ang kasalukuyang bilang ng mga Pinoy qualifiers para sa Tokyo Olympics na inilipat sa susunod na taon.
Malaki ang tiwala ng POC chief sa kakayahan at abilidad ng mga Pinoy athletes kasama pa ang mahabang panahong preprasyon upang lubos na paghandaan ang mga qualifying events.
“We still have a lot of hopefuls who will be competing the Olympic qualifiers in their respective sports,” ani Tolentino.
Sa kasalukuyan, tanging apat na atleta pa lamang ang nakasisiguro ng puwesto sa Tokyo Games.
Ito ay sina world champion Carlos Edriel Yulo ng gymnastics, Southeast Asian Games pole vault record holder Ernest John Obiena ng athletics at sina three-time SEA Games champion at AIBA World Championships silver medalist Eumir Felix Marcial at Irish Magno ng boxing.
Abot-kamay na ni Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz ang tiket nito sa Tokyo Olympics dahil isang torneo na lamang ang kailangan nitong lahukan upang pormal na mapasama sa listahan.
Malaki rin ang tsansa ng iba pang miyembro ng national boxing team partikular na si 2019 AIBA World Championships gold medalist Nesthy Petecio at si 2018 Asian Games gold medalist Margielyn Didal ng skateboarding.
Sasalang din ang pambato ng Pilipinas sa taekwondo, judo, wrestling, athletics, archery, karatedo, golf at iba pang disiplina gaya ng men’s 3x3 basketball.
Noong 1972 Munich Olympics sa Germany, nagpadala ang Pilipinas ng 64 atleta - ang pinakamalaking bilang ng delegasyon ng bansa sa quadrennial meet.
- Latest