Plania inspirasyon si Pacquiao
MANILA, Philippines — Unti-unti nang naaabot ni Mike Plania ang pangarap nito.
Gumawa ng ingay ang 23-anyos Pinoy boxing sensation matapos gimbalin si World Boxing Organization ranked No. 1 bantamweight contender Joshua Greer noong Miyerkules sa MGM Grand Conference Center sa Las Vegas, Nevada.
At malaking bahagi ng kanyang boxing career si eight-division world champion Manny Pacquiao na nagsisilbi nitong inspirasyon.
Balang-araw, nais ni Plania na maabot ang tagumpay na tinatamasa ni Pacquiao.
“For me, even before I started boxing my idol was Manny Pacquiao,” pahayag ni Plania sa Boxing Scene.
Siyam na taong gulang pa lamang si Plania nang pumasok ito sa isang boxing gym sa General Santos City noong 2006.
Madalas niyang nakikita si Pacquiao sa mga victory parade nito.
At dito nabuo ang pangarap ni Plania na maging tulad ng isang “Manny Pacquiao.”
Nais ni Plania na tularan ang bawat hakbang na ginawa ni Pacquiao para makarating sa tugatog ng tagumpay.
Ang tulad ni Pacquiao na masipag sa ensayo, may dalang determinasyon, may pagmamahal sa bansa, matulungin sa kapwa, mapagmahal sa pamilya at higit sa lahat may takot sa Diyos.
Mga bagay na tunay na hinahangaan kay Pacquiao hindi lamang sa mundo ng boksing maging sa labas ng ring.
Kaya naman isa si Pacquiao sa mga pinaka-popular na boksingero sa buong mundo.
Hangad ni Plania na maging tulad ni Pacquiao.
Ang maipagmalaki ng mga kababayan at makapagbigay ng karangalan sa bansa.
Humanga ang boxing world sa naging panalo nito kay Greer. Subalit hindi pa tapos ang laban.
Nagsisimula pa lang si Plania na tiyak na aabangan sa kanyang susunod na pakikipagsapalaran.
- Latest