Didal puwede sa mga lugar na nasa GCQ
Para makapag-ensayo
MANILA, Philippines — Maliban kina 2016 Rio de Janeiro Olympic Games silver medalist Hidilyn Diaz at 2019 World Boxing Championships gold medal winner Nesthy Petecio, isa rin si top lady skateboarder Margielyn Didal sa mga tumatarget ng tiket sa 2021 Olympics sa Tokyo, Japan.
Kasalukuyang nasa Cebu City si Didal, ang 2018 Asian Games skateboarding gold medalist at inaasikaso ang itinayo niyang food delivery service.
Sinabi ni Philippine Sports Commission (PSC) Officer-in-Charge (OIC) Ramon Fernandez na pinayagan na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang pagbabalik-ensayo nina 2021 Tokyo Olympics-bound boxers Eumir Felix Marcial at Irish Magno sa Rizal Memorial Sports Complex sa Manila.
Kasama rin dito ang mga national athletes na may tsansang makakuha ng tiket sa 2021 Tokyo Olympics kagaya nina Didal at Petecio.
Ayon kay Fernandez, maaaring lumipat si Didal sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) para makapagsanay.
Ang Metro Manila ay nasa ilalim pa rin ng GCQ habang ang Cebu City ay nananatili pa rin sa enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa mataas na kaso ng coronavirus disease (COVID-19).
Maliban kina Marcial at Magno, ang dalawa pang Pinoy athletes na nakasikwat ng Olympic ticket ay sina pole vaulter Ernest John Obiena at gymnast Carlos Edriel Yulo na nagsasanay ngayon sa Italy at Japan, ayon sa pagkakasunod.
- Latest