Philippine 3x3 squad balik-ensayo na
Olympic qualifiers paghahandaan
MANILA, Philippines — Ngayong may go signal na ang basketball practices mula sa Inter-Agency Task Force (IATF), makakabalik na sa ensayo ang national 3x3 basketball team na naghahanda para sa Tokyo Olympics qualifying tournament.
Dahil dito, agad na sasalang ang Pinoy squad na magtatangkang makasikwat ng tiket sa Olympic Games na idaraos sa susunod na taon sa Tokyo.
Nakatakda ang Olympic Qualifying Tournament para sa 3x3 basketball event sa Mayo 26 hanggang 30 sa Graz, Austria sa susunod na taon.
Matagal-tagal pa ito ngunit para kay 3x3 league commissioner Eric Altamirano, magandang pagkakataon ang mahabang panahon para lubos na maihanda ang pambansang koponan.
Sasalang na sa matinding ensayo sina Joshua Munzon at Alvin Pasaol kasama sina Southeast Asian Games gold medalists CJ Perez at Mo Tautuaa. Mamanduhan ang koponan ni veteran coach Stefan Stojacic.
Matinding laban ang haharapin ng Pinoy cagers.
Naka-grupo ang Pilipinas sa Group C kasama ang Slovenia, France, Qatar at Dominican Republic.
Galing ang Philippine 3x3 basketball team sa kampeonato sa 2019 Southeast Asian Games na ginanap sa Manila noong Disyembre.
- Latest