
Gazz Angels import may mensahe sa Pinoy fans
MANILA, Philippines — Nalungkot si American outside hitter Janisa Johnson ng PetroGazz Angels sa pagkakansela ng Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference dahil sa coronavirus diseases (COVID-19) pandemic.
Hindi maitago ni Johnson ang pagkakadismaya nito dahil itinuturing na nitong ikalawang tahanan ang Pilipinas na mayroon aniyang pinaka-mainit na pagtanggap sa kanyang volleyball career.
Nangako naman ang reigning PVL Reinforced Conference Finals MVP na handa itong magbalik sa susunod na season ng Reinforced Conference para tulungan ang Gazz Angels na muling makasungkit ng kampeonato.
“I was heartbroken when I found out we weren’t able to play in front of our Filipino fans (this year). I can’t wait to return for the next season,” ani Johnson.
Nagbigay ito ng mensahe sa kanyang mga Pinoy fans.
“Keep the love for volleyball in your hearts. Stay safe and healthy. I miss you all,” ani Johnson.
Nakatuwang ni Johnson si Cuban import Wilma Salas sa pagtulong sa Gazz Angels na masungkit ang kauna-unahang titulo sa liga - ang PVL Reinforced Conference noong nakaraang taon.
Bilang pasasalamat, nagbigay sina Johnson at Salas ng jerseys para sa masuwerteng fans ng PetroGazz.
Nakatakda sanang magbukas ang PVL Reinforced Conference noong Mayo subalit kinansela ito ng mga organizers dahil ipinagbabawal ang mass gatherings at sporting events sa ilalim ng enhanced community quarantine na ipinatutupad ng gobyerno.
Wala pang anunsiyo ang pamunuan ng liga kung kailan sisimulan ang PVL Open Conference.
Nais ng Gazz Angels na lampasan ang kanilang runner-up finish noong 2019 edisyon ng Open Conference.
- Latest