GlobalPort-PH 2nd sa All Asia Cup
MANILA, Philippines — Nasungkit ng GlobalPort-Philippine national team ang runner-up trophy sa 5th All-Asia Polo Cup 2020 na ginanap sa VS Sports Club & Siam Polo Park sa Preng, Thailand.
Bagama’t nabigo sa mga kamay ng host Thailand sa inisyal na round, bumawi agad ang Pinoy team na kinabibilangan nina Anthony Garcia, Adrian Garcia, Robert Esguerra at Rep. Mikee Romero sa pamamagitan ng pagpapataob sa Brunei squad, 10-9, sa quarterfinal round.
Pinayuko rin ng Filipino team ang Indonesia, 8-5.5, upang pumasok sa Finals sa unang pagkakataon. Sa kanilang panalo nakaganti rin ang tropa ni Romero laban sa mga Indons na tumalo sa kanila, 9-4.5 sa nakalipas na 30th Southeast Asian Games.
Masaya si PNFPP founding director at House Deputy Speaker Mikee Romero sa kanilang runner-up finish dahil nangahulugan ito ng pag-akyat ng naturang sports sa bansa.
“Up against some of the best teams in the Asian region, we proved we could be at par with them. Given more time to train and play in various tournaments abroad, I strongly believe we can play much better the next time,” pahayag ni Romero na miyembro ng national team na tumapos ng bronze medal sa 2019 SEAG na ginanap sa world class Miguel Romero Field sa Calatagan, Batangas.
Nakikita ni Romero ang magandang samahan ng koponan kaya hindi na malayo na magtugumpay sila sa iba pang mga international competitions.
- Latest