LeBron emosyunal sa kanyang social media post patungkol kay Kobe
LOS ANGELES -- Hindi naitago ng buong Lakers, partikular na si LeBron James, ang kanilang pagkagulat at kalungkutan nang mabalitaan ang nangyari kay Kobe Bryant at sa anak nitong si Gianna sa isang helicopter crash kamakalawa.
Nalaman ng tropa ng Lakers ang nangyari kay Bryant habang papauwi sa Los Angeles mula sa isang East Coast road trip.
Bago pa man bumaba ng eroplano ay kaagad napaluha si James.
“I’m not ready but here I go,” sabi ni James sa kanyang social media post. “I literally just heard your voice Sunday morning before I left Philly to head back to LA. Didn’t think for one bit in a million years that would be the last conversation we’d have.”
Naungusan ni James si Bryant para sa No. 3 seat sa NBA career scoring list kung saan kaagad siyang binati ng tinaguriang ‘Black Mamba’.
“Until we meet again my brother!!,” ani James na nagdagdag ng mga hashtags na #Mamba4Life and #Gigi4Life.
Si Lakers owner Jeanie Buss ay kilalang malapit kay Bryant habang si Lakers general manager Rob Pelinka ay tumayong agent ng NBA great sa kanyang playing career.
Si Dwight Howard ang tanging kasalukuyang La-kers player na nakalaro si Bryant para sa franchise sa isang season noong 2012-13.
Nagkasama naman sina James at Bryant sa U.S. Olympic teams noong 2008 at 2012 habang si Anthony Davis ay nagsilbing backup noong 2012 London Olympics team.
Personal ding pinanood ni Bryant ang ilang laro ng Lakers kasama si Gianna.
Bilang paggalang at pakikiramay sa pamilya ng 41-anyos na si Bryant ay ipinagpaliban ng NBA ang laro ng Lakers at Clippers sa Martes (US time).
Inihayag ito ng liga isang araw matapos ang pagkamatay ni Bryant at ng kanyang 13-anyos na anak na si Gianna sa isang helicopter crash kasama ang pitong iba pa.
- Latest