Tsukii naka-tanso sa Olympic qualifiers
Chris Co (Pilipino Star Ngayon) - January 15, 2020 - 12:00am

MANILA, Philippines — Pinalakas ni Filipino-Japanese karateka Junna Tsukii ang tsansa nitong makapasok sa 2020 Tokyo Olympics matapos umani ng tansong medalya sa Olympic Qualifying Tournament - Karate 1-Series A na ginanap sa Santiago, Chile.

Inirehistro ni Tsukii ang impresibong 3-0 desisyon kontra kay Gu Shiau-­Shuang ng Chinese-Taipei sa repechage stage para masiguro ang tanso sa Female Kumite -50kg event.

Nasiguro ng Asian Games bronze m­edallist at reigning Southeast Asian Games champion ang No. 1 spot sa Pool 1 makaraang patumbahin nito sina Karmen Klement ng Hungary, Shara Hubrich ng Germany at Kateryna Kryva ng Ukraine.

Ngunit bigo si Tsukii na maipagpatuloy ang magandang ratsada nito matapos matalo kay Yorgelis Salazar ng Venezuela sa iskor na 0-3 sa semifinals para mahulog sa repechage stage.

Nasikwat ni Ozcelik Arapoglu Serap ng Turkey ang gintong medalya bunsod ng naitala nitong 7-3 panalo kay Salazar sa gold-medal match.

Sunod na sasalang si Tsukii sa Karate1-Premier League na idaraos sa Paris, France sa Enero 24 hanggang 26.

Kailangan ni Tsukii na makalikom ng maraming puntos para awtomatikong makapasok sa Tokyo Olympics.

2020 TOKYO OLYMPICS JUNNA TSUKII
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with