Nahati sa dalawang faction ang Olympic body, ang isang grupo ay mga kaalyado ni Jose “Peping” Cojuangco habang ang iba ay mga taga-suporta ni Ricky Vargas na naghahangad ng pagbabago sa Philippine Sports.
File
Nalampasan ng POC ang hamon sa 2019
Francisco Cagape (Pilipino Star Ngayon) - January 1, 2020 - 12:00am

MANILA, Philippines — Nalampasan ng Philippine Olympic Committee ang mabigat na hamon sa 2019 na masasabing isa sa pinakamagulong taon sa Philippine sports.

Nahati sa dalawang faction ang Olympic body, ang isang grupo ay mga kaalyado ni Jose “Peping” Cojuangco habang ang iba ay mga taga-suporta ni Ricky Vargas na naghahangad ng pagbabago sa Philippine Sports.

Hindi nagtulungan at walang pagkakaunawaan ang mga sports leaders dahil nito at sa kawalan ng kooperasyon ito ay naka-apekto sa imahe ng bansa sa larangan ng sports lalung-lalo na sa buong rehiyon ng Southeast Asia.

Kaya nagpahayag na ng pag-aalala ang Internation Olympic Committee (IOC) at Olympic Council of Asia (OCA) at sinabi nilang nabahala na sila sa ingay at gulo at masusi nilang sinusundan at binabantayan ang sitwasyon.

Bunga nito, marami ang nangamba na baka hahantong ito sa pagka-suspinde ng Pilipinas sa IOC bunga ng kaliwa’t-kanan na ba­ngayan at banatan ng  iba’t ibang grupo ng mga sports leaders.

Sa hindi inaasahang pangyayari, biglang nagbitiw si Ricky Vargas ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP)  bilang presidente ng POC noong Hunyo, 2019 pagkatapos ng mahigit 16 buwan lamang na panunungkulan.

Base sa line-of-succession, humalili si POC first vice-president Joey Roma­santa ng Larong Volleyball sa Pilipinas (LVPI) bilang acting president hanggang mahalal ang bagong pa­ngulo ng Olympic body ng bansa.

Para maagapan at makatulong sa pag-hupa ng gulo, nagpadala ang IOC at OCA ng patnubay upang malutas ang problema at sinunod naman ng POC ang kanilang payo sa takot na suspindehin ang bansa sa International Olympic body.

Dumalo ang observer ng IOC at OCA sa isinagawang panibagong eleksyon na ginanap noong Hulyo 28 sa Century Sheraton Hotel kung saan nagwagi si Abraham “Bambol” Tolentino ng Integrated Cycling Federation of the Philippines bilang ika-12 presidente ng POC mula  1975.

Kasama ring nahalal si Steve Hontiveros ng Philippine Handball Federation bilang bagong chairman at muli ring binoto sina Jesus Clint Aranas ng World Archery-Philippines at Cynthia Carrion ng Gymnastics Association of the Philippines bilang miyembro ng POC Executive Board.

Sa liderato ni Tagaytay Rep. Tolentino, humupa ang problema at muling nagkaisa ang lahat at na-ngakong magtutulungan para sa ikakabuti ng sports. Bunga nito nabigyan ng pokus ng mga stakehol­ders ang nalalapit na ika-apat na hosting ng bansa sa 30th Southeast Asian Games.

Ito pa ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng POC na apat ang umupong presidente sa loob lamang ng isang 4-year Olympic cycle. Ang POC ay sumusunod sa constitution ng IOC na nagsasaad na gaganapin ang eleksyon kada Olympic year o kada apat na taon.

Kabilang sa naglingkod sa POC bilang pangulo sa isang Olympic cycle ay si Cojuangco ng Equestrian Association of the Philippines mula Enero, 2005 hanggang Marso 5, 2018 at si  Vargas mula Marso 5, 2018 hanggang sa Hunyo 18, 2019.

Umupo rin bilang acting president si Romasanta ng volleyball ng halos isang buwan mula Hunyo 18, 2019 hanggang sa Hul­yo 28, 2019 at si Tolentino mula Hulyo 28, 2019 hanggang sa susunod na eleksyon ng POC sa Nob­yembre, 2020 pagkatapos ng Tokyo Olympiad.

Sa ngayon, ang POC ay maroong 42 national sports associations bilang regular members at 13 associate members kabilang na ang Philippine Eskrima Kali Arnis Federation at Dance Sports Council of the Philippines.

Mayroon din itong 10 recognized members sa pangunguna ng Philippine Floorball Association, Pilipinas Obstacle Sports Federation at Philippine Windsurfing Association.

Nagbigay din ang POC ng karagdagang cash incentives sa mga 149 gold medalists, 117 silver meda-lists at 121 bronze meda­lists sa nakalipas na 30th SEA Games na umabot sa kabuuang P33 milyon.

Matapos ang matagumpay na hosting ng 2019 SEAG at makamit ang overall championship trophy sa ikalawang pagkakataon, pagtutuunan naman ngayon ng POC ang 2020 Olympic Games sa Tokyo, Japan. 

PHILIPPINE OLYMPIC COMMITTEE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with