Pinas inuulan ng ginto sa SEAG
Russell Cadayona (Pilipino Star Ngayon) - December 8, 2019 - 12:00am

MANILA, Philippines — Ayaw nang magpapigil ng mga Pinoy sa pagkolekta ng mga gintong medalya.

Binanderahan nina Fil-Am sprinter Kristina Knott at pole vaulter Ernest John Obiena ang ratsada ng Team Philippines kasabay ng pamamayagpag ng mga Pinoy sa iba pang events sa 30th Southeast Asian Games kahapon.

Ipinoste ni Knott ang bagong SEA Games record na 23.01 segundo para itakbo ang gintong medalya sa women's 200-meter dash habang lumundag si Obiena ng 5.45m sa men's pole vault event.

Apat na gold at apat na silver medals naman ang inangkin ng mga Natio­nals sa poomsae event ng taekwondo para lalo pang palobohin ang kalama-ngan ng Pilipinas sa overall medal standings.

Ang apat na ginto naman ng poomsae team ay nagmula kina Jeordan Dominguez (men's freestyle individual), Rodolfo Reyes Jr. (recognized men's), Dustin Jacob at Raphael Enrico Mella at Reyes (recognized men's team) at Jocel Lyn Ninobla (women's recognized).

Inangkin naman ni 2018 Asian Games gold meda­list Margielyn Didal ang ikalawa niyang gintong medalya sa skateboar­ding competition matapos pagreynahan ang women's street skate para idagdag sa nauna niyang panalo sa Game of S.K.A.T.E.

Sa gymnastics, ibinigay ni Daniella Dela Pisa ang ikatlong gintong medalya ng bansa sa gymnastics nang pagreynahan ang hoop event ng women's rhythmic gymnastics.

Ang unang dalawang gold medal ay mula kay world champion Carlos Edriel Yulo sa floor exercise at all-around event ng men's artistic gymnastics.

Sa rowing, sumagwan ng dalawang gintong medalya ang Pilipinas mula sa mga panalo nina Cris Nievarez (men's lightweight single sculls) at Joane Delgaco at Melcah Caballero (women's lightweight double sculls race).

Nagdagdag naman ng gold medal si Hermie Macaranas sa paghahari sa 200m men's singles event ng canoe/kayak.

Sa billiards, tinumbok ni Chezka Centeno ang ginto nang talunin si Rubilen Amit sa finals ng women's 10-ball singles event.

Humataw naman ng gold medal sina lawn tennis aces Francis Casey Alcantara at Jeson Patrombon nang igupo ang mga kababayang sina Ruben Gonzales Jr. at Treat Huey, 7-6, 7-5, sa finals ng men's doubles.

30TH SOUTHEAST ASIAN GAMES ERNEST JOHN OBIENA SEA GAMES TEAM PHILIPPINES
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with