E-Painters ‘di pa bumibitaw
Sinilat ang Bolts
MANILA,Philippines — Wala pang balak magbakasyon ang mga Elasto Painters.
Bumangon ang Rain or Shine mula sa 13-point deficit sa third quarter para lusutan ang Meralco, 83-81 at makasilip ng tsansa sa eight-team quarterfinal round ng 2019 PBA Governor’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Humataw si Rey Nambatac ng 24 points mula sa 10-of-13 fieldgoal shooting para sa ikalawang sunod na panalo ng Elasto Painters at itaas ang kanilang baraha sa 4-7.
Nagwakas naman ang five-game winning streak ng Bolts, mayroon nang isa sa apat na ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals, para sa kanilang 8-3 kartada.
“Very important sa amin ang game na ito kasi kapag nanalo kami may chance kaming pumasok sa quarterfinals,” sabi ni Nambatac.
Para makapasok sa quarterfinals ay kailangang ipagdasal ng tropa ni coach Caloy Garcia na matalo ang NorthPort (4-6) sa Barangay Ginebra (6-3) at mabigo ang Alaska (4-6) sa NLEX (8-2).
Itinala ng Meralco ang 13-point lead, 67-54 mula sa split ni Raymond Almazan sa huling 2:07 minuto ng third period hanggang humataw ang Rain or Shine ng 11-0 atake sa likod nina import Richard Ross, Kris Robles at Mark Borboran para agawin ang 71-69 abante sa 6:21 minuto ng fourth quarter.
Naitabla naman ni import Allen Durham ang Bolts sa 71-71 kasunod ang ratsada ni Nambatac para ilayo ang Elasto Painters sa 82-77 sa huling 1:28 minuto ng laro.
Ang dalawang free throws ni Durham at follow-up ni Almazan ang muling nagdikit sa Meralco sa Rain or Shine sa 81-82 sa natitirang 46.3 segundo.
Matapos ang split ni Jewel Ponferada para sa 83-81 bentahe ng Elasto Painters sa nalalabing 34.3 segundo ay nabigo naman sina Durham at Almazan na maitabla ang Bolts sa kanilang huling posesyon.
- Latest