Pinoy shooters babaril ng ginto sa SEAG
MANILA, Philippines — Puntirya ng national shooting team na makapag-ambag ng gintong medalya sa tangka ng Pilipinas na masungkit ang overall championship title sa 30th Southeast Asian Games na tatakbo mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
Galing ang Pinoy shooters sa impresibong kampanya sa 14th Asian Shooting Championships na ginanap sa Doha, Qatar kaya naman optimistiko ang pamunuan ng Philippine National Shooting Association (PNSA) sa magiging laban ng pambansang koponan.
Partikular na tinukoy ng PNSA ang men’s shotgun trap team sa pangunguna ni shotgun shooter Carlos Carag na may best score na 114 para sa men’s trap team.
Kasama ni Carag sina Hagen Topacio (113) at Eric Ang (110) na nakalikom ng kabuuang 337 puntos para pumampito sa Asian meet.
Ito rin ang ikalawang pinakamagandang iskor sa Southeast Asia sa taong ito.
Makakasama rin sa delegasyon si Jethro Dionisio at rifle team nina Olympic solidarity scholars Jayson Valdez at Amparo Acuña, Denise Basila at Sean Jayfred Ocampo, at ang pistol team nina Shanin Lyn Gonzales, Juliette Rose Arellano, Marcelo Gonzales at Angelo Michael Fernandez.
Gagabayan ang tropa nina rifle coach Julius Valdez, shotgun coach Fernando Mercado, pistol coach Susan Aguado at armorer Mario Dasalla.
Ang pagsabak ng national team sa Asian meet ay suportado ng Philippine Sports Commission.
- Latest