Hinatawan ni Jaja Santiago ng Foton ang depensa nina Xinia Frances Molina, Mary Palma at Aiza Maizo Pontillas ng Petron.
Joey Mendoza
Bronze sa Petron
Chris Co (Pilipino Star Ngayon) - August 25, 2019 - 12:00am

MANILA, Philippines — Dumaan muna sa butas ng karayom ang Petron bago itakas ang pahirapang 28-26, 25-27, 25-21, 24-26, 15-12 panalo laban sa Foton upang maisalba ang bronze medal sa 2019 Philippine Superliga All-Filipino Conference kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Naitarak ni reigning UAAP Season 81 MVP Sisi Rondina ang lima sa huling anim na puntos ng Blaze Spikers para masawata ang matikas na kamada ng Tornadoes sa deciding set.

Hindi ininda ni Rondina ang pananakit ng kanyang mga hita at binti upang tulungan ang kanilang tropa.

“Kanina nagka-cramps na ako pero inisip ko lang yung UAAP days ko against FEU na nagka-cramps na hita ko pero sabi ko kaya ko ito kaya ko ito. Tinitingnan ko yung teammates ko lahat sila pati sila coach sabi ko wala ito. Wala akong inisip na iba kundi ibigay lahat, laro lang. Yun ang nasa isip ko kanina,” ani Rondina.

Nakalikom si Rondina ng 30 attacks, dalawang blocks at isang ace upang bigyan ng pagkakataon na mag-celebrate ang Petron matapos mahubaran ng korona.

Nakatulong ni Rondina si Ces Molina na gumawa ng 15 markers habang nag-ambag naman ng tig-11 sina middle blockers Mika Reyes at Remy Palma.

“Sobrang happy at thankful kay Lord kasi s­yempre may medal pa rin kami. Sabi ko sa kanila kahapon, gold yun e. Medyo matagal na lang naluma kaya naging bronze,” ani Blaze Spikers head coach Shaq Delos Santos.

Matapos ang pukpukang apat na sets na nauwi sa 2-2 pagtatabla, naga­wang umarangkada ng Tornadoes sa pagsisimula ng fifth set kung saan bumanat ng husto sina Dindin Santiago-Manabat, Jaja Santiago at Eya Laure para makuha ang 9-5 kalamangan.

Subalit makailang ulit nakagawa ng krusyal na attacking errors ang Tornadoes dahilan para makabangon ang Blaze Spikers at makadikit sa 9-11.

Pinakawalan ng Petron ang 6-1 run tampok ang lima mula sa attacks ni Rondina para tuluyang makuha ang panalo.

Bigong umusad sa finals ang Blaze Spikers nang yumuko ito ng dalawang beses sa Cignal sa semifinals - 20-25, 25-10, 25-16, 25-27, 11-15 sa first game at 28-30, 21-25, 25-17, 25-23, 15-8 sa Game 2.

Kaya naman mala­king konsolasyon ang third-place trophy para sa Petron na nagmamay-ari ng anim na korona sa liga.

Nagtapos sa ikaapat na puwesto ang Foton.

Umani si Santiago-Ma-nabat ng 26 puntos samantalang may 22 hits naman si Santiago habang may pinagsama-samang 31 puntos sina Laure, Shaya Adorador at Marian Buitre.

PHILIPPINE SUPERLIGA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with