CEU puntirya ang playoffs
MANILA, Philippines — Target ng Centro Escolar University na hablutin ang playoff spot laban sa iWalk sa 2019 PBA D-League Foundation Cup sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Magpapang-abot ang Scorpions at Chargers ngayong ala-1:30 ng hapon.
Mainit ang simula ng CEU na nakasakay sa three-game winning streak para manguna sa Group A tangan ang 3-0 marka.
Nanggaling sila sa 86-77 panalo kontra sa AMA Online Education.
“I have a young team. But as long as we outwork iWalk, I see no problems,” sabi ni Scorpions coach Derrick Pumaren.
Babanderahan nina Senegalese center Malick Diouf at skipper Rich Guinitaran ang Scorpions kasama sina Dave Bernabe at Franz Diaz.
Nakabuntot sa ikalawang puwesto ang iWalk hawak ang 2-1 baraha.
Sariwa pa ang Chargers sa 113-103 pananaig sa Nailtalk-Saint Dominic Savio College noong Huwebes.
Sa naturang laro ay nakita ang bangis ng Chargers kung saan nakabangon sila sa 23 puntos na pagkakalugmok para hatakin ang panalo sa likod nina Jaypee Belencion at Allan Mangahas.
“We need to apply our experience. We’re a veteran team so we’ll use it as our advantage,” wika naman ni iWalk mentor Jonas Villanueva na aasahan din sina Ryusei Koga at Wowie Escosio para pamunuan ang Chargers.
- Latest