F2, Cignal ikakasa ang semis
MANILA, Philippines — Apat pang koponan ang magbabakbakan para sa huling dalawang silya sa semifinals sa pagpapatuloy ng 2019 Philippine Superliga All-Filipino Conference quarterfinal round ngayong hapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Pinapaborang manalo ang second seed F2 Logistics laban sa seventh seed Sta. Lucia Realty sa alas-6 ng gabi habang asahan ang matinding pukpukan sa pagitan ng Generika-Ayala at Cignal sa kanilang duwelo sa alas-4 ng hapon.
Matapos lumasap ng dalawang kabiguan para mahulog sa ikalawang puwesto sa classification round tangan ang 12-2 marka, wala nang puwang para sa F2 Logistics ang anumang pagkatalo simula ngayon.
Kaya naman ibubuhos nito ang lahat para mabilis na mapataob ang Lady Realtors.
Hahataw para sa Cargo Movers sina Filipino-American spiker Kalei Mau, Aby Maraño, Majoy Baron, Kim Kianna Dy at ang nagbabalik-aksiyong si Kim Fajardo.
Ngunit hindi basta-basta ang Lady Realtors dahil mamanduhan ito ni Fil-Am MJ Philips kasama sina Jho Maraguinot, Rebecca Rivera, Pam Lastimosa, Amanda Villanueva at Amy Ahomiro.
- Latest