Inangkin ni Micaela Jasmine Mojdeh ang ginto sa women’s 200m butterfly.
Golden girl!
Chris Co (Pilipino Star Ngayon) - August 13, 2019 - 12:00am

MANILA, Philippines — Nasikwat ni Swimming Pinas tanker Micaela Jasmine Mojdeh ang nag-iisang gintong medalya ng Pilipinas sa 2019 Hong Kong Open Swimming Championships na ginanap sa Victoria Park Swimming Pool sa Cuaseway Bay, Hong Kong.

Hindi nagpasindak ang 13-anyos na si Mojdeh laban sa mas matatangkad at mas matatandang karibal nang ilatag nito ang matikas na porma para a­ngkinin ang gintong medalya sa women’s 200m butterfly.

Nagrehistro si Mojdeh ng dalawang minuto at 20.01 segundo.

“Saving the best for last. Gold for the Philippines. What a proud moment for this young girl who at only 13 yrs old was able to win a gold in the National Hong Kong Open Championship. She said she never wanted to go home without bringing any medal for the Philippines,” ani Swimming Pinas team manager Joan Mojdeh.

Ginapi ng Brent International School student na si Mojdeh ang kababayang si Rasalee Santa Ana na nagtala ng dikit na 2:20.06 gayundin si Sounthorncho Suipasuta ng Thailand na naglista naman ng 2:20.91.

Nagpasalamat si Moj­deh kina coaches Alex Papa, Marlon Dula at Virgie de Luna na pangunahing gumagabay sa kanyang mga laban gayundin sa yumaong si Philippine Swimming League president Susan Papa.

“Talagang nami-miss na niya si coach Susan. Sabi niya iba pa rin daw talaga kapag si coach Susan yung nagbibigay sa kanya ng instructions every time na lalaban siya. We want to dedicate this victory to her,” dagdag ni Joan.

Sa panalo ni Mojdeh, higit na lumakas ang tsansa nitong makapasok sa national team na sasabak sa 2019 Southeast Asian Games na idaraos sa New Clark City sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.

 Nagkasya naman si Olympian Jasmine Alkhaldi sa tatlong pilak at isang tanso habang nagbulsa si Sacho Ilustre ng isang pilak at isang tanso.

Sunod na sasalang ang Swimming Pinas tankers sa 1st Philippine National Open Swimming Championships na gaganapin sa huling bahagi ng buwan.

2019 HONG KONG OPEN SWIMMING CHAMPIONSHIPS MICAELA JASMINE MOJDEH
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with