Pirates pinulutan ang Stags
Laro Bukas(Mapua Gym, Intramuros, Manila)
2 p.m.- MU vs. CSB (Jrs)
4 p.m.- MU vs. CSB (Srs)
MANILA, Philippines — Pinatumba ng Lyceum Pirates ang San Sebastian Stags, 80-69, para sumosyo sa ikatlong puwesto sa Season 95 NCAA men’s basketball tournament kahapon sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Nagsanib-puwersa ang mga dating Stags na sina Renzo Navarro at Jayson David sa fourth quarter patungo sa pagsungkit sa kanilang ikatlong panalo katabla ang Letran Knights sa parehong 3-1 kartada.
Naglunsad sina Navarro at David ng 13-0 atake sa huling pitong minuto ng laro para kunin ang 74-66 abante mula sa 61-66 agwat.
“We all know coming into the game that we are not out there to beat San Sebastian. We are out there to play with our best,” sabi ni LPU coach Topex Robinson na dating naglalaro para sa Stags.
Tinukoy ni Robinson ang kanilang depensa kay San Sebastian top scorer RK Ilagan na hindi nakaiskor sa buong laro.
Tumipa ng 12 points si Jayvee Marcelino, habang ang kanyang kambal na si Jaycee ay may 11 markers para sa Pirates.
Si Navarro ay nagtala ng 11 points kasunod ang 10 markers ni David.
Umiskor si Allyn Bulanadi ng 13 points kasunod ang 12 at 10 markers nina Ramil Tero at Itchie Altamirano, ayon sa pagkakasunod, para sa Stags (2-1).
Sinorpresa naman ng Jose Rizal Heavy Bombers ang Perpetual Help Altas, 71-66, para sa kanilang 2-3 baraha.
- Latest