Knights lusot sa Altas sa overtime
MANILA, Philippines — Nakaeskapo ang Letran Knights sa mga kamay ng Perpetual Help Altas via overtime, 82-80, sa Season 95 NCAA men’s basketball tournament kahapon sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Humataw sina Ato Ular at Bonbon Batiller ng pitong puntos sa kabuuang 12 ng Letran sa extra period para makamit ang ikatlong sunod na panalo at manatili sa solo fourth spot sa likuran ng three-peat champion San Beda Red Lions (3-0), San Sebastian Stags (2-0) at St. Benilde Blazers (2-0).
Ang Altas ni coach Frankie Lim ay nakatikim sa ikalawang sunod na kabiguan para sa 1-2 kartada.
Mayroon pa sanang sapat na oras ang Altas na ipursige ang ikalawang extension, ngunit nagmintis si Jielo Razon mula sa baseline.
Samantala, tinalo ng Lyceum Pirates ang Mapua Cardinals, 79-71, para sa kanilang 2-1 baraha kumpara sa 0-3 ng huli.
- Latest