Winasak ng Philippine national junior record holder na si Mojdeh ang rekord sa girls’ 12-year 100m butterfly nang ilista nito ang 1:04.74 para tabunan ang dating 1:07.16 na lumang marka.
Mojdeh tuloy sa pananalasa
Chris Co (Pilipino Star Ngayon) - May 20, 2019 - 12:00am

6-gold, 4-record na ang kinana sa Canada meet

MANILA, Philippines — Patuloy ang pana­na­lasa ni Philippine Swimming League-Swimming Pinas ace Micaela Jasmine Mojdeh matapos humataw ng tatlo pang ginto kasama ang dalawang bagong rekord sa 2019 Ralph Hicken International Swimming Championship na ginaganap sa Markham Pan Am Center sa Ontario, Canada.

Winasak ng Philippine national junior record holder na si Mojdeh ang rekord sa girls’ 12-year 100m butterfly nang ilista nito ang 1:04.74 para tabunan ang dating 1:07.16 na lumang marka.

Binura din ni Mojdeh ang national junior record na 1:05.20 na naitala ni Camille Buico noong 2016 sa UAAP Swimming Championship.

Hindi nagpaawat si Mojdeh makaraang basagin ang record sa 200m Individual Medley sa bendisyon ng impresibong 2:31.35 – di hamak na mas maganda sa 2:37.54 tounament record.

Nakumpleto ni Mojdeh ang matikas na three-of-three sweep sa Day 3 ng kumpetisyon nang pagreynahan nito ang 200m breaststroke sa bilis na 2:50.23.

Sa kabuuan, mayroon nang anim na gintong medalya at apat na rekord si Mojdeh.

Nakapagtala ng rekord si Mojdeh sa  50m breaststroke (36.69) at 50m butterfly (29.71) habang na­kaginto rin ito sa 400m Individual Medley (5:21.78) sa ikalawang araw ng torneo.

Tatlo pang events ang lalanguyin ni Mojdeh nga­yong araw – ang 200m butterfly, 100m freestyle at 100m breaststroke events.

“She’s really unstoppable. She’s extra motivated because of coach Susan Papa because she wants to go home with gold me­dals and new records to offer to coach Susan. One more day and we are aiming to sweep all her nine events,” ani PSL-Swimming Pinas de­legation head Joan Melissa Mojdeh.

Humataw din sina Ge­neral Santos City tankers Jie Angela Talosig at Saira Janelle Pabellon na su­miguro ng gintong medalya sa kani-kanilang paboritong events.

Nangibabaw si Talosig sa girls’ 12-year 400m freestyle kung saan nagsumite ito ng 4:49.63 segundo para gapiin sina Canadians Isabel Marshall (4:54.80) at Lindsay Gordon (4:57.79).

Nakasiguro din si Talosig ng dalawang tanso – sa 50m freestyle (29.32) at 200m IM (2:36.35).

Nanguna naman si Pabellon sa girls’ 12-year 200m breaststroke sa bilis na 2:54.37.

Sa kabuuan, mayroon nang 10 ginto, dalawang pilak at apat na tanso ang Pilipinas sa torneong nilahukan ng mahigit 500 tan­kers mula sa 25 bansa.

MICAELA JASMINE MOJDEH PHILIPPINE SWIMMING LEAGUE-SWIMMING
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with