Go For Gold tuloy ang pagtuklas ng atleta
MANILA, Philippines — Magdaraos ang Go For Gold Philippines ng triathlon competition series para sa pagdidiskubre ng talento na puwedeng sumali sa kanilang koponan.
Sinabi ni Go For Gold godfather Jeremy Go na ang top male at female triathlete pagkatapos ng anim na kumpetisyon ay aalukin nila ng kontrata para maging bahagi ng Team Go For Gold.
Kabilang sa mga nasabing kumpetisyon ang Go For Gold Sunrise Sprint-Cebu sa Abril 28 na isang short distance triathlon na mahigit 750-metro ang open-water swim at 20-km bike ride at 5-km run.
“There is no shortcut toward success. But if your dream is to be part of Go For Gold Philippines, then this might be your time to shine,’’ ani Go, ang bise-presidente sa marketing ng Powerball Marketing and Logistics Corp.
Pagkatapos ng kumpetisyon sa Naga, Cebu, isusunod naman ang Go For Gold SBR PH Aquaman sa Vermosa Sports Hub sa Mayo 19 at susundan ng Go For Gold SBR PH Duaman sa Nuvali sa Hunyo 16.
Ang iba pa sa serye ng kumpetisyon ay ang Go For Gold Sunrise Sprint sa Davao City sa Hulyo 7.
Matatapos ang search program sa Go For Gold SBR PH Triman-Clark sa Hulyo 28 at sa Go For Gold Sunrise Sprint-Subic sa Nobyembre 4.
Ayon kay Go, ang 10 na may pinakamabilis na oras sa men at women sa SBR races at sa Go For Gold Sunrise Sprint open category ay mabibigyan ng puntos alinsunod sa kanilang ranking sa karera.
Ang mananalo sa nasabing kumpetisyon ay bibigyan ng professional contract na magkakahalaga ng P100,000 bukod pa sa Storck bike at espesyal na Go For Gold trophy. Ihahayag ang mananalo pagkatapos ng karera sa Nobyembre 4. Sinusuportahan din ng Go For Gold ang Philippine Air Force volleyball squad at dalawang koponan sa PBA D-League at ang San Juan Knights sa Maharlika Pilipinas Basketball League.
- Latest