Hotshots giniba ang E-Painters, tabla sa 2-2
MANILA, Philippines — Dumiretso sa kanilang ikalawang sunod na panalo ang Magnolia para itabla ang kanilang semifinals series ng Rain or Shine.
Muntik mabasura ang itinayong 21-point lead ng Hotshots bago naipagpag ang Elasto Painters sa dulo ng final canto at kunin ang 94-91 panalo sa Game Four ng kanilang semis duel sa 2019 PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nauna nang inagaw ng Hotshots ang 85-74 panalo sa Game Three para itabla sa 2-2 ang kanilang best-of-seven semis showdown ng Elasto Painters.
Kumaripas ang Magnolia sa 8-0 abante bago tuluyang ilista ang 21-point lead, 54-33 laban sa Rain or Shine mula sa dalawang free throws ni Mark Barroca sa huling 1:46 minuto bago ang halftime.
Napatalsik naman si Elasto Painters coach Caloy Garcia sa huling 1:43 minuto ng third period dahil sa kanyang ikalawang technical foul na nagresulta sa foul shot ni Paul Lee para sa 76-59 bentahe ng Hotshots.
Ngunit hindi bumitaw ang Rain or Shine at nakadikit sa 91-92 mula sa tirada ni Maverick Ahanmisi sa huling apat na segundo sa final canto kasunod ang dalawang charities ni guard Jio Jalalon sa huling 3.1 segundo para sa three-point lead ng Magnolia.
Samantala, pipilitin naman ng Phoenix na makatabla habang determinado ang nagdedepensang San Miguel na makalapit sa kanilang ika-41 championship appearance.
Magtutuos ang Beermen at Fuel Masters ngayong alas-7 ng gabi sa Game Four ng kanilang semifinals series sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
- Latest