Eala, Quizon PSA MILO Junior Athletes
MANILA, Philippines — Napili ang dalawang proteges sa tennis at chess bilang MILO Junior Male at Female Athlete of the Year para sa darating na SMC-PSA (Philippine Sportswriters Association) Annual Awards Night sa Centennial Hall ng Manila Hotel.
Sina netter Alexandra Eala at chess player Daniel Quizon ang pinakabagong gagawaran ng nasabing award na ibinibigay ng MILO katuwang ang pinakamatandang media organization.
Nakakuha ang 13-anyos na si Eala, dating nag-aaral sa Colegio de San Agustin, ng full-time scholarship sa Rafael Nadal Academy sa Spain kung saan niya itutuloy ang kanyang eight-grade studies.
Noong nakaraang taon ay nagreyna siya sa Les Petits As sa France para makapagbulsa ng wildcard entry sa Roland Garros Junior French Championships.
Nakamit naman ng 14-anyos na si Quizon ng Dasmariñas, Cavite ang International Master title matapos magwagi sa Eastern Asian Juniors Open Championships sa South Korea.
Bagama’t pumangalawa lamang siya sa kababayang si John Marvin Miciano sa Asian Youth Championships sa Chiang Mai, Thailand ay gumawa naman si Quizon ng ingay sa torneo matapos talunin si top seed Tran Tuan Minh ng Vietnam sa second round.
Sapat na ang naturang mga tagumpay nina Eala at Quizon para kilalanin ng PSA.
Bilang MILO Junior Male at Female Athletes of the Year, sina Eala at Quizon at tatanggap ng MILO product sa buong taon.
Samantala, tatanggapin naman ng PSA President’s Awardee National University Lady Bulldogs ang kauna-unahang ‘MILO NUTRI UP ‘Up Your Galing Recognition’ sa Feb. 26 event na inihahandog ng MILO, Philippine Sports Commission at Cignal TV.
Sinakmal ng Lady Bulldogs ang kanilang pang-limang sunod na UAAP women’s basketball championship at dahil dito ay tatanggap ang koponan ng month’s supply ng MILO NUTRI UP for adults.
- Latest