Pagpapatayo ng sports hub sa Pangasinan tuloy na
MANILA, Philippines — Lubos na ikinatuwa ni Philippine Sports Commission chairman William ‘Butch’ Ramirez ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Republic Act 11214 o ang “Philippine Sports Training Center Act” noong Pebrero 14.
Ginawa ang ceremonial signing ng naturang RA sa Malacañang Palace kahapon kasama si Ramirez at iba pang PSC officials.
“We at the PSC are extremely grateful to the President for making this historic development in Philippine sports happen” wika ni Ramirez.
Ang nasabing pasilidad ay ang 20-hectare sports hub na itatayo sa Rosales, Pangasinan sa 2022 na mayroong administrative, sports science, medical at dormitories para sa mga atleta at coaches at sports amenities para sa 39 Olympic at non-Olympic sports.
Umaasa ang PSC chief na ang pagkakaroon ng modernong sports training center ang magpapalakas ng kampanya ng mga national athlete sa mga sasalihang international competitions kagaya ng Olympic Games, World Championships, Asian Games at SEA Games.
Gagastos ang pamahalaan ng P3.5 bilyon para sa pagpapatayo ng nasabing training center sa Rosales, Pangasinan.
Ang nasabing pondo ay isasama sa taunang General Appropriations Act para sa sports commisison.
“We will be hands-on in overseeing the operation and construction of the PSTC,” deklarasyon ni Ramirez.
Kasalukuyang pinaghahandaan ng mga atleta ang darating na 30th SEA Games na nakatakda sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11 kung saan tatayong main hub ang Clark.
- Latest