7 gold kaya ng muay thai sa 30th SEAG
MANILA, Philippines – Handa ang Muay Association of the Philippines na makatulong sa tangka ng Pilipinas na masungkit ang overall title sa 2019 Southeast Asian Games na idaraos sa bansa mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
Nangako ang muay na magbibigay ito ng anim hanggang pitong gintong medalya sa 11 events na paglalabanan.
“Pinaghahandaan na ng Muay Association of the Philippines ang darating na SEA Games.We have a chance of winning the gold in more than half of the events, especially the women events,” ani national coach Preciosa Delarmino sa lingguhang Usapang Sports forum na inorganisa ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) sa National Press Club sa Intramuros, Manila.
Tinukoy ni Delarmino sina Rudza Abubakar ng Zamboanga (women’s 45-kg) at Jenelyn Olsim ng Baguio (women’s 54-kg) na may malakas na tsansa sa ginto sa combat event habang aariba naman sina Mariah Trenyce Co at Rusha Mae Tarrate ng Baguio sa wai kru (Thai boxing dance) event.
Bilang paghahanda sa SEAG, lalahok ang national muay team sa ilang malalaking international tournaments gaya ng Arafura Games sa Australia sa Abril, sa IFMA (International Federation of Muaythai Amateur) Senior World Championship sa Bangkok at World Martial Arts sa South Korea sa Agosto at sa IFMA Youth sa Turkey sa Setyembre.
- Latest