Pocari taas-noong tinapos ang kampanya
MANILA, Philippines — Pinabagsak ng Pocari-Air Force ang Adamson University sa bisa ng 25-18, 25-20, 25-23 demolisyon para engrandeng tuldukan ang kampanya nito sa Premier Volleyball League Season 2 Open Conference kagabi sa Batangas City Coliseum.
Umariba ng husto si Myla Pablo na humataw ng 15 attacks at isang block para manduhan ang opensa ng Lady Warriors.
“Nag-usap usap kami na kailangan naming manalo para naman maganda ang standing namin. Kami naman ibinigay namin ang best namin as a team kahit hindi kami nakapasok sa Final Four,” wika ni Pablo na isa sa mga kandidato para sa Conference MVP award.
Nagbigay din ng kontribusyon sa opensa sina outside hitter Mary Ann Pantino at Iari Yongco kasama si playmaker Wendy Anne Semana habang minanduhan nina Del Palomata at Jeanette Panaga ang depensa sa net.
Tinapos ng PocariAir Force ang kampanya nito tangan ang 7-7 rekord.
Laglag ang Adamson sa 0-12 baraha. (CCo)
- Latest