Blaze Spikers tangka ang sweep
MANILA, Philippines — Walisin ang first round ng eliminasyon ang puntirya ng nagdedepensang Petron sa paglarga nito kontra Foton ngayong araw sa Philippine Superliga All-Filipino Conference sa The Arena sa San Juan City.
Magtutuos ang dalawang mainit na koponang Blaze Spikers at Tornadoes sa alas-7 ng gabi matapos ang engkuwentro ng Cocolife at Generika-Ayala sa alas-2 ng hapon at ng Smart Giga Hitters at F2 Logistics sa alas-4:15.
Namamayagpag ang Petron tangan ang malinis na 6-0 baraha habang nasa ikalawa ang Foton bitbit ang 5-1 marka kasunod ang F2 Logistics (4-2) at Cignal (4-3).
Ngunit walang puwang ang pagiging kumpiyansa para kay Petron coach Shaq Delos Santos dahil malayo pa ang kanilang tatahakin para maabot ang kampeonato.
“We’re really happy with what we have right now, but I always tell my players not to be complacent or contented. I let them enjoy the win today. But I have to remind them that tomorrow will be a different story. We need to go back to practice and work hard because our mission is not yet done,” ani Delos Santos.
Sina Mika Reyes, Remy Palma, Frances Molina, Rhea Dimaculangan at Aiza Maizo-Pontillas ang pangunahing aasahan ng Petron ngunit malalim ang bench nito dahil nariyan sina Sisi Rondina, Bernadeth Pons, Mela Tunay at veteran Ging Balse. (CCo)
- Latest