Team Pilipinas sasagupa sa mga Jordanians ngayon
MANILA, Philippines — Gagamitin ni national head coach Yeng Guiao ang apat na tune-up games para pangalanan ang 12 players na magsusuot ng uniporme ng Team Pilipinas sa fifth window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
May 5-3 record ang Team Pilipinas sa Group F sa ilalim ng Australia (7-1) at Iran (6-2).
Lalabanan ng Team Pilipinas ang Jordan ngayong alas-8 ng gabi at sa Miyerkules sa Meralco Gym sa Pasig City kung saan nag-eensayo ang 20-man training pool.
Matapos ang mga Jordanians ay sasagupain naman ng Natonals ang mga Lebanese sa Biyernes at Linggo sa parehong venue.
Mismong ang Jordan at Lebanon, may 5-3 at 6-2 baraha, ang humiling ng tune-up games sa Team Pilipinas, ayon kay Guiao.
“The good thing here is we don’t have to fly out of the country to play tuneup games, plus we have quality opponents for our scrimmage games to prepare us,” wika ni Guiao.
Sa 20 miyembro ng training pool ay 13 ang regular na nag-eensayo.
Ang mga ito ay sina June Mar Fajardo, Christian Standhardinger, Arwind Santos, Alex Cabagnot, Marcio Lassiter ng San Miguel, Jayson Castro at Troy Rosario ng TNT Katropa, Gabe Norwood at Beau Belga ng Rain or Shine, JP Erram at Matthew Wright ng Blackwater at sina cadets Kai Sotto at Ricci Rivero.
Ang iba pang nasa training pool ay sina Greg Slaughter, Scottie Thompson, Japeth Aguilar at LA Tenorio ng Barangay Ginebra at Stanley Pringle ng NorthPort.
Nakatakdang labanan ng Team Pilipinas ang Kazakhstan sa Nobyembre 30 at ang Iran sa Disyembre 3 para sa fifth window ng Asian Qualifiers.
Ang dalawang laro ay gagawin sa alas-7:30 ng gabi sa MOA Arena sa Pasay City.
- Latest