Tamaraws vs Archers sa playoff
MANILA, Philippines — Dinomina ng Far Easten University ang Adamson University, 82-56, para makahirit ng playoff sa huling semifinals berth sa Season 81 UAAP men’s basketball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kagad rumatsada ang Tamaraws ng 16-5 bentahe na lumobo sa 46-22 sa first half.
Mula doon ang inaasahang mainit na laban ay naging lopsided victory para sa tropa ni coach Olsen Racela.
Umabot pa sa 67-36 ang kalamangan ng FEU sa huling minuto ng third period patungo sa pag-sungkit sa kanilang pang-walong panalo sa 14 laro at tumapos sa elimination round sa three-way tie mula sa ikatlo hanggang pang-limang puwesto kasama ang UP at La Salle sa parehong 8-6 kartada.
Nanatili naman ang Fighting Maroons sa ikatlong puwesto dahil sa superior quotient, habang ang Tamaraws at Green Archers ay maghaharap sa playoff sa Miyerkules upang pag-agawan ang huling Final Four berth.
Ang mananalo ay haharap sa No. 1 seed Ateneo Blue Eagles sa semis at magtatagpo naman ang No. 2 Soaring Falcons at No. 3 Fighting Maroons sa pagsisimula ng Final Four sa Sabado.
Nanatili ang Adamson sa ikalawang puwesto sa hawak na 10-4 record.
Bilang top seeds ay kapwa tangan ng Blue Eagles at Soaring Falcons ang ‘twice-to-beat’ advantage sa semis.
Sinakmal ng National University Bulldogs ang 79-71 panalo kontra sa University of the East Red Warriors.
- Latest