Butler nagbida sa panalo ng 76ers laban sa Jazz
PHILADELPHIA — Sa introduction pa lamang ng mga players ay tumanggap na si Jimmy Butler ng standing ovation mula sa mga fans ng 76ers.
Sinuklian naman ito ni Butler ng 28 points sa una niyang home debut para tulungan ang Philadelphia na talunin ang bisitang Utah Jazz, 113-107.
Nagdagdag si center Joel Embiid ng 23 markers para sa panalo ng 76ers.
Nakuha ng Philadelphia si Butler, ang four-time All-Star guard, mula sa Minnesota Timberwolves via five-player trade.
“I already knew this crowd would be excited,” wika ni Butler. “Now that I have them on my side it's better for me. Y'all, we, have some great fans. Y'all have the catchiest song. I used to sing it in my head when I came in here.”
Sa likod ni Butler ay itinayo ng 76ers ang 16-point lead sa first period hanggang maagaw ng Jazz ang unahan sa 107-105 mula sa putback ni Jae Crowder sa huling 1:37 minuto ng fourth quarter.
Naitabla ni JJ Redick ang Philadelphia buhat sa dalawa niyang free throws kasunod ang lay-up ni Ben Simmons para ungusan ang Utah sa 109-107.
Pinamunuan ni Donovan Mitchell ang Utah mula sa kanyang 31 points.
Sa Boston, humataw si Kyrie Irving ng season-high na 43 points, kasama ang 17 sa huling 8:06 minuto ng fourth quarter para itulak ang overtime at akayin ang Celtics sa 123-116 panalo kontra sa Toronto Raptors.
Nag-ambag si Jayson Tatum ng 21 markers kasama ang 7 rebounds para sa Boston.
Binanderahan ni Kawhi Leonard ang Raptors mula sa kanyang 31 points at season-high na 15 rebounds.
Sa Minneapolis, umiskor si Andrew Wiggins ng 23 points, habang nagdagdag si Derrick Rose ng 17 markers para pangunahan ang Minnesota Timberwolves sa 112-96 paggupo sa bisitang Portland Trail Blazers.
Ito ang ikatlong sunod na ratsada ng Timberwolves matapos i-trade si Butler sa 76ers.
- Latest