Warriors isinalba ni Jerebko vs Jazz
SALT LAKE CITY — Sumugod si Jonas Jerebko sa basket at tinapik papasok ang bola sa huling 0.3 segundo para itakas ang Golden State Warriors laban sa dati niyang koponang Utah Jazz,124-123.
Naimintis ni Kevin Durant, umiskor ng 38 points, ang kanyang running jumper, ngunit naroon si Jerebko, pinakawalan ng Jazz bilang free agent sa nakaraang season, para sa kanyang game-winning put-back.
Huling nakamit ng Utah ang 123-122 abante mula sa basket ni Jae Crowder sa nalalabing 51.4 segundo sa laro.
Umiskor si Stephen Curry ng 31 points para sa Golden State habang humakot si Draymond Green ng 14 points, 9 rebounds at 6 assists at tumapos si Jerebko na may 10 points.
Pinamunuan ni Joe Ingles ang Jazz mula sa kanyang 27 points, tampok ang pitong three-pointers, at nagdagdag si Donovan Mitchell ng 19 points.
Sina Crowder at Rudy Gobert ay may 17 at 16 points, ayon sa pagkakasunod.
Sa Los Angeles, tumipa sina Danilo Gallinari at Tobias Harris ng tig-26 points para sa pagresbak ng Clippers sa fourth quarter at talunin ang Oklahoma City Thunder, 108-92.
Muling naglaro ang Thunder na wala si Russell Westbrook bunga ng kanyang right knee issue.
Nag-ambag si Lou Williams, ang 2017 Sixth Man of the Year, ng 17 points mula sa bench at ang kanyang triple ang nagbigay sa Clippers ng 93-90 abante.
Sa iba pang laro, tinalo ng Memphis Grizzlies ang Atlanta Hawks, 131-117; pinabagsak ng Milwaukee Bucks ang Indiana Pacers, 118-101; dinaig ng New Orleans Pelicans ang Sacramento Kings, 149-129 at binigo ng Minnesota Timberwolves ang Cleveland Cavaliers, 131-123.
- Latest