Debut ni LeBron sa Lakers sapaw sa Blazers
PORTLAND -- Umiskor sina Damian Lillard at CJ McCollum ng pinagsamang 49 points habang dinuplika ni Nik Stauskas ang kanyang career high na 24 points sa una niyang pagsusuot ng Portland uniform, para pamunuan ang Trail Blazers sa 128-119 panalo laban sa bisitang Los Angeles Lakers.
Kumolekta si LeBron James ng 26 points, 12 rebounds at 6 assists sa una niyang laro para sa Lakers, nakahugot kay Josh Hart ng 20 markers habang nagtala si Rajon Rondo ng 13 points at 11 assists.
Kumamada si Lillard ng 28 points at nag-ambag si McCollum ng 21 markers habang nagposte si Jusuf Nuric ng 16 points at 9 rebounds sa loob ng17 minuto para sa Trail Blazers.
Ito ang record na ika-18 sunod na panalo ng Portland sa kanilang home opener at ika-16 naman laban sa Los Angeles simula noong 2013.
Kinuha ng Trail Blazers ang 65-63 abante sa halftime mula sa 16 points ni Stauskas, samantalang may 13 at 12 markers naman sina Lillard at Nurkic, ayon sa pagkakasunod.
Nakalapit ang Lakers sa 104-109 agwat sa huling anim na minuto ng fourth period bago nagsalpak si McCollum ng isang 18-footer at three-pointer para muling ilayo ang Trail Blazers sa 114-104.
Sa Washington, ang putback ni Kelly Olynyk mula sa mintis na jumper ni Dwyane Wade sa natitirang 0.2 segundo ang nagtakas sa 113-112 panalo ng Miami Heat laban sa Wizards.
Naglaro ang Washington na wala ang bagong sentrong si Dwight Howard para sa kanilang season opener.
Sa Philadelphia, humataw si Ben Simmons ng triple-double sa kanyang tinapos na 13 points, 13 rebounds at 11 assists at kumolekta si Joel Embiid ng 30 points at 12 rebounds para pangunahan ang 127-108 paggiba ng 76ers sa Chicago Bulls.
- Latest