Rondina-Barbon duo nagparamdam agad
MANILA, Philippines — Mainit na sinimulan nina Sisi Rondina at Babylove Barbon ng University of Santo Tomas ang pagdedepensa sa titulo matapos ilampaso sina Isa Molde at Justine Dorog ng University of the Philippines, 21-12, 21-12 sa UAAP Season 81 women’s beach volleyball kahapon sa Sands SM By The Bay sa Pasay City.
Bagong kapares ni Rondina si Barbon ngunit naglaro ang dalawa ng animo’y beterano at matagal nang magkasama para mabilis na igupo sina Molde at Dorog.
Nakakuha rin ng pambuenamanong panalo sina La Salle bets Tin Tiamzon at Michelle Morente nang itakas nito ang 21-14, 20-22, 15-10 panalo laban kina Ivana Agudo at Marianne Calinawan ng FEU, 21-14, 20-22, 15-10.
Wagi rin sina NU spikers Klymince Orilleneda at Antonnete Landicho kina Ateneo de Manila University duo Ponggay Gaston at Jules Samonte, 21-11, 21-14, gayundin sina Adamson pair Hannah Nicole Infante at Gracelchen Ave kontra kina University of the East tandem Rhea Manalo at Lyen Shan Ritual, 21-14, 21-15.
Sa men’s division, lumasap ng unang kabiguan sina reigning champions Bryan Bagunas at James Natividad ng NU kontra kina Jude Garcia at Kevin Hadlocon ng FEU, 23-25, 17-21.
Nagtala rin ng unang panalo sina Krung Arbasto at Jaron Requinton ng UST laban kina Kurt Aguilar at Abai Llenos ng Ateneo, 21-11, 21-14. (CCo)
- Latest