Paras babandera sa Phl 3x3 team
MANILA, Philippines — Hinirang ng Samahang Basketbol ng Pilipinas si Kobe Paras bilang unang miyembro ng national 3x3 basketball team na kanilang binubuo para sa 2020 Tokyo Olympic Games.
Ang 6-foot-6 na si Paras, nagtapos ng high school at naglaro ng college ball sa Amerika bago isuot ang uniporme ng University of the Philippines sa UAAP sa 2019, ang kumatawan sa bansa noong 2013 at 2015 FIBA 3x3 U18 World Championship at noong 2017 FIBA World Cup.
Sa naturang mga torneo ay dalawang slam dunk titles ang nakamit ni Paras.
Sinabi kahapon ni SBP executive director Sonny Barrios na nakipagtambal sila sa Chooks-to-Go ni Ronald Mascarinas para magdaos ng isang national tryout sa hangaring mahanap ang tatlo pang players na makakasama ni Paras sa national pool.
“Kobe is the first member of the team and we’re searching for his other teammates through a national tryout,” ani Barrios.
Idinagdag pa ng SBP official na panahon na para magkaroon ang bansa ng magkahiwalay na national pool para sa 3x3, Gilas Pilipinas, juniors (Batang Gilas) at women’s (Perlas) squads.
- Latest