Beermen puntirya ang finals vs Aces
Laro Ngayon(Smart Araneta)
7pm SMB vs Alaska
MANILA, Philippines — Puntirya ng nagdedepensang San Miguel Beer na masungkit ang unang silya sa finals sa pagharap nito sa Alaska sa Game 3 ng PBA Season 43 Commissioner’s Cup ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Magpapang-abot ang Beermen at Aces sa alas-7.
Namamayagpag ang Beermen na nakasakay sa 2-0 series lead - isang panalo na lamang upang makabalik sa finals.
Tumagay ang Beermen ng 92-79 panalo sa Game 1 kasunod ang 105-94 desisyon sa Game 2 para makalapit sa inaasam na finals berth.
Ngunit wala sa isip ng Beermen ang maging kumpiyansa dahil tiyak na gagawin ng Aces ang lahat upang pigilan ang selebrasyon ng SMB.
“I’m expecting heavy resistance against Alaska and they will play all out. They are determined to win and we’re just lucky to win last Monday. We still need to work hard and this is a great opportunity to get into the finals again,” ani Beermen coach Leo Austria.
Walang iba kundi sina import Renaldo Balkman at four-time MVP June Mar Fajardo ang pangunahing sasandalan ng Beermen.
Nagrehistro si Balkman ng impresibong 31 points at 10 rebounds sa Game 2 habang nagpasiklab din si Fajardo na may sariling double-double na 21 markers at 18 boards.
Handa naman ang Alaska na ilabas ang lahat ng alas nito para manatili sa kontensiyon.
Kukuha ng lakas ang Aces mula kay reinforcement Diamon Simpson na may 19 points, 15 rebounds, anim na blocks at tatlong steals sa kanilang huling laro.
- Latest