E-Painters swak sa bonus
Laro sa Hulyo 4(MOA Arena)
4:30 p.m. San Miguel vs Blackwater
7 p.m. Magnolia vs NLEX
MANILA, Philippines — Kinailangan ng Rain or Shine ang isang five-minute extra period para tuluyang maibulsa ang isa sa dalawang ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinal round.
Nalusutan ng Elasto Painters ang Meralco Bolts sa extension, 106-99, para ilista ang kanilang pang-pang-anim na sunod na ratsada at kunin ang No. 1 berth sa eight-team quarterfinals ng 2018 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Ang three-point shot ni Ed Daquioag sa huling 12.7 segundo sa overtime ang tuluyan nang nagtakas sa panalo ng Rain or Shine (9-1), ipinalasap ang ikalawang dikit na kabiguan sa Meralco (7-4).
Humakot si import Reggie Johnson ng 21 points, 18 rebounds at 3 blocks, habang nagtala si guard Maverick Ahanmisi ng 20 markers, 8 boards at 6 assists para sa Elasto Painters.
Nabaon ang Bolts sa 55-73 sa 8:32 minuto ng third period hanggang makatabla sa 96-96 mula sa fastbreak basket ni guard Baser Amer, tumipa ng 13 points sa third quarter, sa huling 2:25 minuto ng regulation na natuloy sa overtime.
Huling nakadikit ang Bolts sa 99-102 sa 1:13 minuto ng extra period kasunod ang split ni Chris Tiu at 3-pointer ni Daquioag para ibigay sa Painters ang 106-99 bentahe sa nalalabing 12.7 segundo.
Samantala, pansamantalang magpapahinga ang PBA para bigyang-daan ang pagsagupa ng Gilas Pilipinas sa FIBA Asian Qualifiers laban sa Chinese-Taipei sa Hunyo 29 sa Taiwan at sa Australia sa Hulyo 2 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
- Latest