Angels nagpalakas ng tsansa sa semis
Laro sa Miyerkules(The Arena)
1pm IEM vs PAR (M)
4pm BanKo vs Petro Gazz (W)
6:30pm BaliPure vs Tacloban (W)
MANILA, Philippines — Mabilis na humarurot ang Petro Gazz nang patumbahin nito ang Iriga-Navy sa bendisyon ng impresibong 25-19, 25-14, 25-19 panalo para mapalakas ang kanilang pag-asa sa semis spot sa PVL Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Walang iba kundi sina Ukrainian imports Olena Lymareva-Flink at Anastasia Trach ang naasahan ng Gazz Angels para makuha ang kanilang ikatlong panalo sa apat na laro.
Umani si Lymareva-Flink ng 17 puntos buhat sa 13 attacks at apat na aces kasama pa ang 12 digs habang nagsumite rin si Trach ng parehong 17 markers tampok ang 15 spikes kalakip ang apat na receptions.
“We put our maximum efforts every game because every game now is very very important. We are on a right way. Our connection with our setter is getting better. We’re also working on our reception, it also helped us to score better,” wika ni Trach.
Nagbigay naman ng sapat na suporta si team captain Stephanie Mercado na humataw ng siyam na puntos gayundin si middle hitter Cherry Rose Nunag na naglista naman ng pitong markers.
Maganda ang distribusyon ng bola ni playmaker Chie Saet nang maglatag ito ng 37 excellent sets na sinabayan pa ng walong digs at apat na aces para manduhan ang paglipad ng Gazz Angels.
Sa men’s division, pinabagsak ng Philippine Air Force ang PLDT, 25-21, 24-26, 25-19, 25-23 para makuha ang top seeding sa quarterfinals.
Dahil dito, makakaharap ng Air Force sa best-of-three semifinals ang second seed Vice Co.
- Latest