Pocari Sweat nakalusot sa BaliPure-NU
MANILA, Philippines — Naitakas ng reigning champion Pocari Sweat-Air Force ang pahirapang 29-27, 20-25, 19-25, 26-24, 15-13 panalo laban sa BaliPure-National University para buhayin ang pag-asa sa semis sa Premier Volleyball League Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sumulong ang Lady Warriors sa 3-1 kartada kung saan sumandal ang tropa sa matikas na laro ni veteran playmaker Wendy Anne Semana na nagrehistro ng 42 excellent sets kasama ang 10 digs.
“Nag-focus lang kami sa game hindi kami bumitaw. Wala kaming receive, wala kaming depensa kaya hirap kami maka-attack. Medyo off kaming lahat. Pero ipinakita ko sa team na bilang setter, kailangan ko magsipag. Nandun ‘yung effort kahit pangit ang receive kailangan ko maitaas ang bola para sa spikers ko,” ani Semana.
Pagkakataon na sana ng Water Defenders na makuha ang panalo matapos iselyo ang 24-21 bentahe sa fourth set.
Subalit nagsanib-puwersa sina Maddie Palmer, Myla Pablo at Arielle Love sa pagtarak ng limang sunod na puntos upang maipuwersa ng Pocari-Air Force ang fifth set.
Inilabas ng Lady Warriors ang malalim na karanasan sa deciding set para makuha ang come-from-behind win.
Bagsak ang Water Defenders sa 1-2 baraha.
Kinakailangan ng BaliPure-NU na maipanalo ang kanilang mga nalalabing laro at umasa na matalo ang mga nangungunang koponan.
Sa men’s division, pinataob ng Philippine Air Force ang Instituto Estetico Manila, 25-19, 25-19, 17-25, 25-22, para makumpleto ang semis cast.
Nanguna si Ismail Fauzi nang umiskor ng 16 puntos para sa Jet Spikers ( 2-0) na sumosyo sa PLDT (2-0) sa unahan ng standings.
Makakasama ng Air Force at PLDT sa Final Four ang Cignal at Vice Co. na nabiyayaan ng outright semis seat.
- Latest