Rondina, Pons biyaheng semis
MANILA, Philippines — Hindi maawat ang nagdedepensang sina Sisi Rondina at Bernadeth Pons ng Petron nang mabilis nitong dispatsahin sina Bianca Lizares at Jonah Sabete ng Sta. Lucia-B, 21-5, 21-11 para umusad sa semifinals ng PSL Beach Volleyball Challenge Cup kahapon sa Sands by the Bay.
Matatalim na atake ang inilatag nina Rondina at Pons kasama ang magandang court coverage at malalakas na services aces para hindi makaporma ang kanilang mga karibal.
“Marami pang kailangang i-improve marami kaming hindi nagawa sa mga ginawa namin nung ensayo. Gusto naming ibalik yung dating laro namin kaya kailangan pa mag-focus,” wika ni Pons.
Sasagupain nina Rondina at Pons ang magwawagi sa pagitan nina Patty Orendain at Fiola Ceballos ng Generika Ayala-A at nina reigning NCAA champions Jiezela Viray at Nieza Viray ng Foton.
Ginapi naman nina Jackie Estoquia at DM Demontano ng Sta. Lucia-A at nina F2 Logistics duo Michelle Morente at Fritz Gallenero ang kani-kanilang karibal upang maisaayos ang kanilang paghaharap sa semis.
Pinag-aralan ng husto nina Estoquia at Demontano ang laro nina Mumay Vivas at Jannine Navarro ng Cignal-B para magaan na kubrahin ang 21-10, 21-13 panalo.
Sa kabilang banda, nahirapan muna sina Morente at Gallenero bago kubrahin ang 18-21, 21-15, 16-14 come-from-behind win laban kina Mylene Paat at Raprap Aguilar ng Cignal-A.
“It was difficult but we just kept our composure, we took it one attack, one reception at a time,” sambit ni Morente.
- Latest